14 May 2007 - Mangyan Mission, San Jose Vicariate, Occidental Mindoro (Poly Sanchez) courtesy of Fr. Philip Alcantara
Ang lalawigan ng Occidental Mindoro ay matatagpuan sa katimugang bahagi ng Luzon at dito matatagpuan ang Tribo ng mga Katutubong Mangyan. Sila ay namumuhay ng payapa at tahimik sa kanilang mga pamayanan. Ang pagkakaingin ang kalimitang ikinabubuhay nila. Ang mga katutubong Mangyan ay may 7 tribo at isa na rito ang tribong Iraya na matatagpuan sa mga bayan ng Abra de Ilog, Sta. Cruz, Mamburao at Paluan sa hilagang bahagi ng Occidental Mindoro.
Likas sa kanilang kultura ang pagiging mahiyain at mahinahon, ito ang sinasamantala ng mga Tagalog (Tagbari sa wikang Iraya). Di rin miminsang maranasan ng mga katutubong Mangyan ang maloko at makaranas ng diskriminasyon. Isa na rito ang hindi pagpapahintulot na makapuwesto sa loob ng sasakyan dahil mabaho daw sila. Maging ang salitang Mangyan ay iniuugnay sa pagiging mangmang ng isang tao, katutubo man ito o hindi. Madalas ay nadadaya rin sila sa bentahan ng kanilang mga produkto dahil kinukuha ng mga tagbari sa mas murang halaga ang mga ito. |
Subalit dumadating ang panahon na ang mga Katutubong ito ang pinaka-espesyal sa mata ng mga tao lalo na kung panahon ng halalan. Sila ay kinukupkop at itinuturing na ginto para sa personal na interes ng ilang pulitiko.
Halalan 2007, inasahan ng mga lider samahan ng SAKAMAIMO (Samahan ng mga Katutubong Mangyan Iraya Mindoro Occidental) na wala nang makukulong na Mangyan. Nagkaroon ng paghahanda ang samahan kasama ang Mangyan Mission at Social Action ng Apostoliko Bikaryato ng San Jose na magbigay sa mga tukoy na pamayanan ng pagkain upang hindi na sila pumunta sa mga pakain ng pulitiko. Dumating sa mga parokya ang mga bigas at de lata para sa mga katutubo. Subalit 3 araw bago ang halalan nakuha ang ilang pamayanan ng mga katutubo upang dalhin sa kampo ng kandidato.
Ito ang larawang kuha noong ika-14 ng Mayo ganap na ika 9:00 ng umaga. Ang lugar na ito ay bodega ng Lo Tone Construction and Supply ayon na rin sa nakasulat sa taas na bahagi ng gate na pinagkulungan sa mga katutubo na sinasabing pag-aari ni Mayor Pangilinan. Ang bakod ay may taas na humigit sa 2 metrong semento at alambre sa taas nito. Sa loob ay may pala-pala na gawa sa dahon ng niyog upang masilungan ng mga Katutubo. Sa Loob ay kasama ng mga magulang ang kanilang mga anak. Ang mga Katutubong nakulong dito ay mga galing ng Pinagbayanan, Puraw, Harizon na kung lalakarin mula sa kanilang pamayanan papuntang bayan ay 4-5 oras na lakad. |
Ika 9:00 ng umaga ng dumating kami sa harapang bahagi ng bodega at kitang-kita ang grupo-grupong pagpapalabas sa mga katutubo mula sa loob ng bakuran ng bodega. Ang mga katutubo ay binibilang at iniaayos ng posting tagalog sa kanilang paglabas. Siya rin ang nangangasiwa sa bilang ng katutubong lalabas sa bodega at ayon sa isang katutubo ay may listahan ito at isa-isang tinatawag kung sino na ang sasakay sa truck papunta sa botohan. Sampu hanggang dalawampung katutubo ang pinalalabas mula sa bodega papunta sa kung saang presinto sila boboto. Ang mga katutubong sasakay sa mga truck na susundo sa kanila mula sa bodega ay may mga pangalan at numero na nakasulat sa piraso ng cartolina at nakadikit ito sa kanilang mga dibdib. Ang mga name tags ay may kulay depende sa kung saan sitio o barangay galing ang katutubo. |
Ang truck na ito ay mula rin sa Lo Tone Construction and supply batay na rin sa nakasulat sa kaliwang pinto ng nasabing sasakyan na pag-aari di-umano ni Mayor Abe Pangilinan. Sa tagpong ito ay hindi na lamang dalawang beses nakapaghakot ng katutubo ang truck na ito. Pagbaba ng mga katutubo mula sa truck ay may sasalo ulit sa kanilang poste ng kandidato (nakaitim) upang samahan sila sa kung anung presinto sila boboto. Bawat grupo ng mga katutubong papunta sa presinto ay 10 katao at sinasamahan sila ng tagalog upang hindi sila makuha ng iba. Mula sa bodega ay kasama na ulit nila ang kanilang mga anak hanggang sa presinto. |
Ang poste ring ito ang magbibigay ng oryentasyon sa mga Mangyan bago pumasok sa botohan. Ang isang oryentasyon sa mga katutubo ay “pagdating nyo sa loob ay sabihin nyo na hindi kayo marunong magsulat at ang magsusulat para sa akin ay iyong nakadilaw.”
Sa bawat presinto ay may mga nakadilaw ng damit na miyembro ng BEI (Board of Election Inspector) na halos sila ang mga nagsusulat para sa mga katutubo. Minsan ay kinukopya na lamang ng BEI ang sample ballot na dala ng katutubo na mula rin sa mga kandidato. May pagkakataon pa na hindi na nagsasalita ang katutubo o hindi na rin tinatanong ng BEI kung sino ang kanyang nais iboto. Pagkagaling ng katutubo sa loob ng botohan ay iniiwan na ang kanilang mga pangalang nakalagay sa kanilang dibdib. Ang mga BEI na nakadilaw ay hindi lamang 3 beses na nakakapagsulat para sa mga katutubo. Matapos maihatid sa loob at mabigyan ng oryentasyon ay ihahatid na at papipilahin na sila para bomoto habang binabantayan pa rin sila ng mga tagalog na poste ng kandidato. |
Sa larawan ay makikita rin ang watcher ng kandidato na nasa tabi lang at maaring makita ang ano mang isinusulat o isusulat ng boboto na dapat sa watcher ay nasalikod. |
Sa oras ng pagdating namin sa loob ng Paaralang Sentral ng Paluan ganap na ika 10:00 ng umaga hanggang sa umuwi kami ng 1:00 ng hapon ay nasa loob ng paaralan ang tumatakbong Mayor ng Paluan na si Mayor Abe Pangilinan. Ayon sa ilang mga tao doon ay umaga pa ay nasa loob na ng paaralan si Mayor Pangilinan. Ganun din ang Police Administrator ng bayan ng Paluan na si SP02 Washington Legaspi ay nasa loob din ng paaralan. Ayon kay SPO2 Legaspi ay tahimik naman daw ang lugar kahit na ang kandidatong Mayor ay nasa loob ng paaralan. Ngunit hindi ba ayon sa ating batas, ang isang kandidato o pulis ay wala dapat sa loob ng paaralan habang nagaganap ang botohan maliban kung boboto sila? |
Ang loob ng Paaralang Sentral ng Paluan ay ginawa nang tambayan o masasabing kampo na ni Mayor Abe dahil ang mga tao sa larawang ito ay halos taga-suporta ng punong bayan. Sa tagpong ito ay tila kampante silang tila walang nilalabag na batas. Sa aking pagtatanong kay SPO2 Legaspi ay tila hindi rin niya alam ang alituntunin na ang mga kandidato ay hindi dapat nananatili sa loob ng botohan habang nagaganap ang botohan maliban kung siya ay boboto. Ganun din ang kanyang presensya sa loob ay tila balewala din dahil ang tanging tugon lamang niya ay tahimik naman daw ang lugar kahit na ang kandidato ay nasa loob.
Sa tagpong ito ay wala ding pagkilos ang COMELEC kaugnay sa mga pangyayari lalo’t higit ang tungkol sa pag momonopolyo sa mga katutubo at sa mga ginagawang paglabag ng mga kandidato at taga-suporta nito sa panahon ng botohan. Ang mga taong inaasahang magdadala ng serbisyo pobliko at inaasahang mangangalaga at magtatanggol sa karapatan ng mga taong halos hindi marinig ang tinig sa lipunan ay sila pang nangunguna sa pagsupil nito. |
IKAW …ano ang iyong mararamdaman kung ang tangi mung karapatan na papantay sa mayayaman at kinikilala sa lipunan ay susupilin lamang ng mga may pansariling interes sa lipunan? Ikaw na nagbasa nito, may magagawa ka ba para matigil ito o katulad ka rin nila?
SOURCE http://www.sulongnetwork.ph/news_files/06-15-07-paniniil.htm
0 comments:
Post a Comment